Ang aklat ng Revelation ayon kay Juan
Tagalog: Ang Dating Biblia
Ang Apocalipsis ni Jesucristo, na ibinigay ng
Dios sa kaniya upang ipahayag sa kaniyang mga alipin, sa makatuwid ay ang mga
bagay na nararapat mangyaring madali: at kaniyang ipinadala at ipinaalam sa
pamamagitan ng kaniyang anghel sa kaniyang alipin na si Juan; Na sumaksi sa salita ng Dios, at sa patotoo ni
Jesucristo, sa lahat ng mga bagay na nakita niya. Mapalad ang bumabasa, at ang nangakikinig ng
mga salita ng hula, at tumutupad ng mga bagay na nangasusulat doon: sapagka't
ang panaho'y malapit na.
Si Juan sa pitong iglesia na nasa Asia: Biyaya
ang sumainyo nawa, at kapayapaang mula doon sa kaniya na ngayon, at nang
nakaraan at darating; at mula sa pitong Espiritu na nasa harapan ng kaniyang
luklukan; At mula kay Jesucristo na siyang saksing
tapat, na panganay sa mga patay, at pangulo ng mga hari sa lupa. Doon sa
umiibig sa atin, at sa nagkalag sa atin sa ating mga kasalanan sa pamamagitan
ng kaniyang dugo; At ginawa tayong kaharian, mga saserdote sa
kaniyang Dios at Ama; sumakaniya nawa ang kaluwalhatian at ang paghahari
magpakailan kailan man. Siya nawa. Narito, siya'y pumaparitong nasasa mga
alapaap; at makikita siya ng bawa't mata, at ng nangagsiulos sa kaniya; at ang
lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa kaniya. Gayon din, Siya
nawa.
Ako ang Alpha at ang Omega, sabi ng Panginoong
Dios, ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat.
Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong
karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis na kay Jesus, ay nasasa
pulo na tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Dios at sa patotoo ni
Jesus. Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at
narinig ko sa aking likuran ang dakilang tinig, na tulad sa isang
pakakak. Na nagsasabi, Ang iyong nakikita, ay isulat mo
sa isang aklat at iyong ipadala sa pitong iglesia: sa Efeso, at sa Smirna, at
sa Pergamo, at sa Tiatira, at sa Sardis, at sa Filadelfia, at sa Laodicea.
At ako'y lumingon upang makita ang tinig na
nagsasalita sa akin. At nang ako'y lumingon ay nakita ko ang pitong kandelerong
ginto: At sa gitna ng mga kandelero ay may isang
katulad ng isang anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may
bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay
mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang kaniyang
mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang kaniyang mga paa ay katulad ng tansong
binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang kaniyang tinig ay
gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong
bituin: at sa kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may
dalawang talim: at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi.
At nang siya'y aking makita, ay nasubasob
akong waring patay sa kaniyang paanan. At ipinatong niya sa akin ang kaniyang
kanang kamay, na sinasabi, Huwag kang matakot; ako'y ang una at ang huli, At ang Nabubuhay; at ako'y namatay, at narito,
ako'y nabubuhay magpakailan man, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng
Hades. Isulat mo nga ang mga bagay na nakita mo, at
ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari sa darating; Ang hiwaga ng pitong bituin na iyong nakita sa
aking kanang kamay, at ng pitong kandelerong ginto. Ang pitong bituin ay ang
mga anghel ng pitong iglesia: at ang pitong kandelero ay ang pitong iglesia.
Sa anghel ng iglesia sa Efeso
ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa
kaniyang kanang kamay, na yaong lumalakad sa gitna ng pitong kandelerong ginto:
Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong
pagpapagal at pagtitiis, at hindi mo matiis ang masasamang tao, at sinubok mo
ang mga nagpapanggap na apostol, at sila'y hindi gayon, at nasumpungan mo
silang pawang bulaan; At may pagtitiis ka at nagbata ka dahil sa
aking pangalan, at hindi ka napagod. Nguni't mayroon akong laban sa iyo, na iyong
iniwan ang iyong unang pagibig. Kaya't alalahanin mo kung saan ka nahulog, at
magsisi ka at gawin mo ang iyong mga unang gawa; o kung hindi ay paririyan ako
sa iyo, at aalisin ko ang iyong kandelero sa kaniyang kinalalagyan, maliban na
magsisi ka. Nguni't ito'y nasa iyo, na iyong kinapopootan
ang mga gawa ng mga Nicolaita, na kinapopootan ko naman. Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng
Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay, ay siya kong pakakanin ng punong
kahoy ng buhay, na nasa Paraiso ng Dios.
At sa anghel ng iglesia sa Smirna ay isulat
mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng una at ng huli, na namatay, at muling
nabuhay:
Nalalaman ko ang iyong kapighatian, at ang
iyong kadukhaan (datapuwa't ikaw ay mayaman), at ang pamumusong ng mga
nagsasabing sila'y mga Judio, at hindi sila gayon, kundi isang sinagoga ni
Satanas. Huwag mong katakutan ang mga bagay na iyong
malapit ng tiisin: narito, malapit ng ilagay ng diablo ang ilan sa inyo sa
bilangguan, upang kayo'y masubok; at magkakaroon kayo ng kapighatiang sangpung
araw. Magtapat ka hanggang sa kamatayan, at bibigyan kita ng putong ng
buhay. Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng
Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay hindi parurusahan ng ikalawang
kamatayan.
At sa anghel ng iglesia sa Pergamo ay isulat
mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang
talim:
Nalalaman ko kung saan ka tumatahan, sa
makatuwid baga'y sa kinaroroonan ng luklukan ni Satanas; at iniingatan mong
matibay ang aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang aking pananampalataya,
kahit nang mga araw man ni Antipas na aking saksi, aking taong tapat, na pinatay
sa gitna ninyo, na tinatahanan ni Satanas. Datapuwa't mayroon akong ilang bagay na laban
sa iyo, sapagka't mayroon ka diyang ilan na nanghahawak sa aral ni Balaam, na
siyang nagturo kay Balac na maglagay ng katisuran sa harapan ng mga anak ni
Israel, upang magsikain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan, at
makiapid. Gayon din naman na mayroon kang ilan na
nanghahawak sa aral ng mga Nicolaita. Magsisi ka nga; o kung hindi ay madaling
paririyan ako sa iyo, at babakahin ko sila ng tabak ng aking bibig. Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng
Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng manang natatago, at
siya'y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa bato ay may nakasulat na isang
bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi yaong tumatanggap.
At sa anghel ng iglesia sa Tiatira ay isulat
mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Dios, na may mga matang gaya ng
ningas ng apoy, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng tansong binuli:
Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong
pagibig, at pananampalataya at ministerio at pagtitiis, at ang iyong mga huling
gawa ay higit kay sa mga una. Datapuwa't mayroon akong laban sa iyo, na
pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na nagpapanggap na propetisa; at
siya'y nagtuturo at humihikayat sa aking mga lingkod upang makiapid, at kumain
ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan. At binigyan ko siya ng panahon upang
makapagsisi; at siya'y ayaw magsisi sa kaniyang pakikiapid. Narito, akin siyang iniraratay sa higaan, at
ang mga nakikiapid sa kaniya sa malaking kapighatian, maliban na kung sila'y
magsisipagsisi sa kaniyang mga gawa. At papatayin ko ng salot ang kaniyang mga
anak; at malalaman ng lahat ng mga iglesia na ako'y yaong sumasaliksik ng mga
pagiisip at ng mga puso: at bibigyan ko ang bawa't isa sa inyo ng ayon sa
inyong mga gawa. Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, sa mga iba na
nasa Tiatira, sa lahat ng walang aral na ito, na hindi nakakaalam ng malalalim
na bagay ni Satanas, gaya ng sinasabi nila; hindi na ako magpapasan sa inyo ng
ibang pasan. Gayon ma'y ang nasa inyo'y panghawakan ninyong
matibay hanggang sa ako'y pumariyan. At ang magtagumpay, at tumupad ng aking mga
gawa hanggang sa katapusan, ay bibigyan ko ng kapamahalaan sa mga bansa: At sila'y paghaharian niya sa pamamagitan ng
isang panghampas na bakal, gaya ng pagkadurog ng mga sisidlang lupa ng
magpapalyok; gaya naman ng tinanggap ko sa aking Ama: At sa kaniya'y ibibigay ko ang tala sa
umaga. Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng
Espiritu sa mga iglesia.
At sa anghel ng iglesia sa
Sardis ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may pitong Espiritu ng
Dios, at may pitong bituin: Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay may
pangalang ikaw ay nabubuhay, at ikaw ay patay. Magpuyat ka, at pagtibayin mo
ang mga bagay na natitira, na malapit ng mamatay: sapagka't wala akong
nasumpungang iyong mga gawang sakdal sa harapan ng aking Dios. Alalahanin mo nga kung
paanong iyong tinanggap at narinig; at ito'y tuparin mo, at magsisi ka. Kaya't
kung hindi ka magpupuyat ay paririyan akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo
malalaman kung anong panahon paririyan ako sa iyo. Nguni't mayroon kang ilang
pangalan sa Sardis na hindi nangagdumi ng kanilang mga damit: at sila'y kasama
kong magsisilakad na may mga damit na maputi; sapagka't sila'y
karapatdapat. Ang magtagumpay ay daramtang
gayon ng mga mapuputing damit; at hindi ko papawiin sa anomang paraan ang
kaniyang pangalan sa aklat ng buhay, at ipahahayag ko ang kaniyang pangalan sa
harapan ng aking Ama, at sa harapan ng kaniyang mga anghel. Ang may pakinig, ay makinig
sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.
At sa anghel ng iglesia sa Filadelfia ay
isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng banal, niyaong totoo, niyaong
may susi ni David, niyaong nagbubukas at di mailalapat ng sinoman, at
naglalapat at di maibubukas ng sinoman:
Nalalaman ko ang iyong mga gawa (narito,
inilagay ko sa harapan mo ang isang pintuang bukas, na di mailalapat ng
sinoman), na ikaw ay may kaunting kapangyarihan, at tinupad mo ang aking
salita, at hindi mo ikinaila ang aking pangalan. Narito, ibinibigay ko sa sinagoga ni Satanas,
ang mga nagsasabing sila'y mga Judio, at sila'y hindi, kundi nangagbubulaan;
narito, sila'y aking papapariyanin at pasasambahin sa harap ng iyong mga paa,
at nang maalamang ikaw ay aking inibig. Sapagka't tinupad mo ang salita ng aking
pagtitiis, ikaw naman ay aking iingatan sa panahon ng pagsubok, na darating sa
buong sanglibutan, upang subukin ang mga nananahan sa ibabaw ng lupa. Ako'y dumarating na madali: panghawakan mong
matibay ang nasa iyo, upang huwag kunin ng sinoman ang iyong putong. Ang magtagumpay, ay gagawin kong haligi sa
templo ng aking Dios, at hindi na siya'y lalabas pa doon: at isusulat ko sa
kaniya ang pangalan ng aking Dios, at ang pangalan ng bayan ng aking Dios, ang
bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa aking Dios, at ang aking
sariling bagong pangalan. Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng
Espiritu sa mga iglesia.
At sa anghel ng iglesia sa Laodicea ay isulat
mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Siya Nawa, ng saksing tapat at totoo,
ng pasimula ng paglalang ng Dios:
Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay
hindi malamig o mainit man: ibig ko sanang ikaw ay malamig o mainit. Kaya sapagka't ikaw ay malahininga, at hindi
mainit o malamig man, ay isusuka kita sa aking bibig. Sapagka't sinasabi mo, Ako'y mayaman, at
nagkamit ng kayamanan, at hindi ako nangangailangan ng anoman; at hindi mo
nalalamang ikaw ang aba at maralita at dukha at bulag at hubad: Ipinapayo ko sa iyo na ikaw ay bumili sa akin
ng gintong dinalisay ng apoy, upang ikaw ay yumaman: at ng mapuputing damit,
upang iyong maisuot, at upang huwag mahayag ang iyong kahiyahiyang kahubaran;
at ng pangpahid sa mata, na ipahid sa iyong mga mata, upang ikaw ay
makakita. Ang lahat kong iniibig, ay aking sinasaway at
pinarurusahan: ikaw nga'y magsikap, at magsisi. Narito ako'y nakatayo sa pintuan at
tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto,
ako'y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya'y kasalo ko. Ang magtagumpay, ay aking pagkakaloobang
umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay, at umupong
kasama ng aking Ama sa kaniyang luklukan. Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng
Espiritu sa mga iglesia.
Pagkatapos ng mga bagay na
ito ay tumingin ako, at narito, ang isang pintong bukas sa langit, at ang unang
tinig na aking narinig, na gaya ng sa pakakak, na nakikipagusap sa akin, ay sa
isang nagsasabi, Umakyat ka rito, at ipakikita ko sa iyo ang mga bagay na dapat
mangyari sa haharapin. Pagdaka'y napasa Espiritu
ako: at narito, may isang luklukang nalalagay sa langit, at sa ibabaw ng
luklukan ay may isang nakaupo; At ang nakaupo ay katulad ng
isang batong jaspe at isang sardio: at naliligid ng isang bahaghari na tulad sa
anyo ng isang esmeralda. At sa palibot ng luklukan ay
may dalawangpu't apat na luklukan: at sa mga luklukan ay nakita kong nangakaupo
ang dalawangpu't apat na matatanda, na nadaramtan ng mapuputing damit; at sa
kanilang mga ulo ay may mga putong na ginto.
At mula sa luklukan ay may lumalabas na
kidlat, at mga tinig at mga kulog. At may pitong ilawang apoy na mga nagliliyab
sa harapan ng luklukan, na siyang pitong Espiritu ng Dios; At sa harapan ng luklukan, ay wari na may
isang dagat na bubog na katulad ng salamin; at sa gitna ng luklukan, at sa
palibot ng luklukan, ay may apat na nilalang na buhay na puno ng mga mata sa
harapan at sa likuran. At ang unang nilalang ay katulad ng isang
leon, at ang ikalawang nilalang ay katulad ng isang guyang baka, at ang
ikatlong nilalang ay may mukhang katulad ng sa isang tao, at ang ikaapat na
nilalang ay katulad ng isang agila na lumilipad. At ang apat na nilalang na buhay, na may anim
na pakpak bawa't isa sa kanila, ay mga puno ng mata sa palibot at sa loob; at
sila'y walang pahinga araw at gabi, na nagsasabi, Banal, banal, banal, ang
Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat, na nabuhay at nabubuhay at
siyang darating. At pagka ang mga nilalang na buhay ay
nangagpupuri, at nangagpaparangal at nangagpapasalamat sa nakaupo sa luklukan,
doon sa nabubuhay magpakailan kailan man, Ang dalawangpu't apat na matatanda ay
mangagpapatirapa sa harapan niyaong nakaupo sa luklukan, at mangagsisisamba
doon sa nabubuhay magpakailan kailan man, at ilalagay ang kanilang putong sa
harapan ng luklukan na nangagsasabi, Marapat ka, Oh Panginoon namin at Dios namin,
na tumanggap ng kaluwalhatian at ng kapurihan at ng kapangyarihan: sapagka't
nilikha mo ang lahat ng mga bagay at dahil sa iyong kalooban ay nangagsilitaw,
at nangalikha.
At nakita ko sa kanang kamay
niyaong nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at sa labas,
na tinatakang mahigpit ng pitong tatak. At nakakita ako ng isang
malakas na anghel na nagtatanyag ng malakas na tinig, Sinong karapatdapat
magbukas ng aklat, at magtanggal ng mga tatak nito? At sinoman sa langit, o sa
ibabaw man ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ay hindi makapagbukas ng aklat, o
makatingin man. At ako'y umiyak na mainam,
sapagka't hindi nakasumpong ng sinomang marapat magbukas ng aklat, o makatingin
man: At sinabi sa akin ng isa sa
matatanda, Huwag kang umiyak; narito, ang Leon sa angkan ni Juda, ang Ugat ni
David, ay nagtagumpay upang magbukas ng aklat at ng pitong tatak nito.
At nakita ko sa gitna ng luklukan at ng apat
na nilalang na buhay, at sa gitna ng matatanda, ang isang Cordero na nakatayo,
na wari ay pinatay, na may pitong sungay, at pitong mata, na siyang pitong
Espiritu ng Dios, na sinugo sa buong lupa. At siya'y lumapit, at kinuha ang aklat sa
kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan. At pagkakuha niya ng aklat, ang apat na
nilalang na buhay at ang dalawangpu't apat na matatanda ay nangagpatirapa sa
harapan ng Cordero, na ang bawa't isa'y may alpa, at mga mangkok na ginto na
puno ng kamangyan, na siyang mga panalangin ng mga banal. At sila'y nangagaawitan ng isang bagong awit,
na nagsasabi, Ikaw ang karapatdapat na kumuha ng aklat, at magbukas ng mga
tatak nito: sapagka't ikaw ay pinatay, at binili mo sa Dios ng iyong dugo ang
mga tao sa bawa't angkan, at wika, at bayan, at bansa. At sila'y iyong ginawang kaharian at mga
saserdote sa aming Dios; at sila'y nangaghahari sa ibabaw ng lupa.
At nakita ko, at narinig ko ang tinig ng
maraming mga anghel sa palibot ng luklukan at ng mga nilalang na buhay at ng
matatanda; at ang bilang nila ay sangpung libong tigsasangpung libo at
libolibo; Na nangagsasabi ng malakas na tinig,
Karapatdapat ang Cordero na pinatay upang tumanggap ng kapangyarihan, at
kayamanan, at karunungan, at kalakasan, at kapurihan, at kaluwalhatian, at
pagpapala. At ang bawa't bagay na nilalang na nasa
langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng
dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito, ay narinig kong nangagsasabi, Sa
kaniya na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero ay ang pagpapala, at kapurihan, at
kaluwalhatian, at paghahari, magpakailan kailan man. At ang apat na nilalang na buhay ay nagsabi,
Siya nawa. At ang matatanda ay nangagpatirapa at nangagsisamba.
At nakita ko nang buksan ng
Cordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko sa isa sa apat na nilalang na
buhay, na nagsalitang gaya ng tunog ng kulog, Halika. At tumingin ako, at narito,
ang isang kabayong maputi, at yaong nakasakay dito ay may isang busog; at
binigyan siya ng isang putong: at siya'y yumaong nagtatagumpay, at upang
magtagumpay.
At nang buksan niya ang ikalawang tatak, ay
narinig ko sa ikalawang nilalang na buhay, na sinasabi, Halika. At may lumabas na ibang kabayo, na kabayong
mapula: at ang nakasakay dito, ay pinagkaloobang magalis sa lupa ng kapayapaan,
at upang mangagpatayan ang isa't isa: at binigyan siya ng isang malaking tabak.
At nang buksan niya ang ikatlong tatak, ay
narinig ko sa ikatlong nilalang na buhay, na nagsasabi, Halika. At tumingin
ako, at narito, ang isang kabayong maitim; at yaong nakasakay dito ay may isang
timbangan sa kaniyang kamay. At narinig ko ang gaya ng isang tinig sa gitna
ng apat na nilalang na buhay na nagsasabi, Sa isang denario ay isang takal na
trigo, at sa isang denario ay tatlong takal na sebada; at huwag mong ipahamak
ang langis at ang alak.
At nang buksan niya ang ikaapat na tatak, ay
narinig ko ang tinig ng ikaapat na nilalang na buhay na nagsasabi,
Halika. At tumingin ako, at narito, ang isang kabayong
maputla: at ang nakasakay dito ay may pangalang Kamatayan; at ang Hades ay
sumusunod sa kaniya. At sila'y pinagkalooban ng kapamahalaan sa ikaapat na
bahagi ng lupa, na pumatay sa pamamagitan ng tabak, at ng gutom, at ng salot,
at ng mga ganid na hayop sa lupa.
At nang buksan niya ang ikalimang tatak, ay
nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita
ng Dios, at dahil sa patotoong sumakanila: At sila'y sumigaw ng tinig na malakas, na
nagsasabi, Hanggang kailan, Oh Panginoong banal at totoo, hindi mo hahatulan at
ipaghihiganti ang aming dugo, sa mga nananahan sa ibabaw ng lupa? At binigyan ang bawa't isa sa kanila ng isang
maputing balabal; at sa kanila'y sinabi, na mangagpahinga pa ng kaunting
panahon, hanggang sa maganap ang bilang ng kanilang mga kapuwa alipin at ng
kanilang mga kapatid, na mga papatayin namang gaya nila.
At nakita ko nang buksan niya ang ikaanim na
tatak, at nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng
isang magaspang na kayong buhok na maitim, at ang buong buwan ay naging gaya ng
dugo; At ang mga bituin sa langit ay nangahulog sa
lupa, gaya ng puno ng igos na isinasambulat ang kaniyang mga bungang bubot
pagka hinahampas ng malakas na hangin. At ang langit ay nahawi na gaya ng isang
lulong aklat kung nalululon; at ang bawa't bundok at pulo ay naalis sa kanilang
kinatatayuan. At ang mga hari sa lupa, at ang mga prinsipe,
at ang mga pangulong kapitan, at ang mayayaman, at ang mga makapangyarihan, at
ang bawa't alipin at ang bawa't laya, ay nagsipagtago sa mga yungib at sa mga
bato sa mga bundok; At sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato,
Mahulog kayo sa amin, at kami'y inyong itago sa mukha noong nakaupo sa
luklukan, at sa galit ng Cordero: Sapagka't dumating na ang dakilang araw ng
kanilang kagalitan; at sino ang makatatayo?
At pagkatapos nito ay nakita
ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang
apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man,
o sa anomang punong kahoy. At nakita ko ang ibang anghel
na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Dios na buhay: at
siya'y sumigaw ng tinig na malakas sa apat na anghel na pinagkaloobang
maipahamak ang lupa at ang dagat, Na nagsasabi, Huwag ninyong
ipahamak ang lupa, kahit ang dagat, kahit ang mga punong kahoy, hanggang sa
aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Dios.
At narinig ko ang bilang ng mga natatakan, na
isang daan at apat na pu't apat na libo, na natatakan, sa bawa't angkan ng mga
anak ni Israel:
Sa angkan ni Juda ay labingdalawang libo ang
tinatakan; Sa angkan ni Ruben ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Gad ay
labingdalawang libo; Sa angkan ni Aser ay labingdalawang libo; Sa
angkan ni Neftali ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Manases ay
labingdalawang libo; Sa angkan ni Simeon ay labingdalawang libo; Sa
angkan ni Levi ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Isacar ay labingdalawang
libo; Sa angkan ni Zabulon ay labingdalawang libo;
Sa angkan ni Jose ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Benjamin ay
labingdalawang libo ang tinatakan.
Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin
ako, at narito, ang isang lubhang karamihan na di mabilang ng sinoman, na mula
sa bawa't bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa
harapan ng luklukan at sa harapan ng Cordero, na nangadaramtan ng mapuputing
damit, at may mga palma sa kanilang mga kamay; At nagsisigawan ng tinig na malakas, na
nangagsasabi, Ang pagliligtas ay sumaaming Dios na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero. At ang lahat ng mga anghel ay nangakatayo sa
palibot ng luklukan, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buhay; at sila'y
nangagpatirapa sa harapan ng luklukan, at nangagsisamba sa Dios, Na nangagsasabi, Siya nawa: Pagpapala at
kaluwalhatian, at karunungan, at pagpapasalamat, at karangalan, at
kapangyarihan, at kalakasan, nawa ang sumaaming Dios magpakailan kailan man.
Siya nawa.
At sumagot ang isa sa matatanda na, nagsasabi
sa akin, Ang mga ito na nangadaramtan ng mapuputing damit, ay sino-sino at saan
nagsipanggaling? At sinabi ko sa kaniya, Panginoon ko, Ikaw ang
nakakaalam. At sinabi niya sa akin, Ang mga ito'y ang nanggaling sa malaking
kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng
Cordero. Kaya't sila'y nasa harapan ng luklukan ng
Dios; at nangaglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang templo: at siyang
nakaupo sa luklukan, ay lulukuban sila ng kaniyang tabernakulo. Sila'y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa
man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anomang init: Sapagka't ang Cordero na nasa gitna ng
luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila'y papatnugutan sa mga bukal ng
tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawa't luha ng kanilang mga mata.
At nang buksan niya ang
ikapitong tatak, ay nagkaroon ng katahimikan sa langit na may kalahating
oras. At nakita ko ang pitong
anghel na nangakatayo sa harapan ng Dios; at sila'y binigyan ng pitong pakakak.
At dumating ang ibang anghel at tumayo sa
harap ng dambana, na may hawak na isang gintong pangsuob ng kamangyan; at
binigyan siya ng maraming kamangyan, upang idagdag ito sa mga panalangin ng
lahat ng mga banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng
luklukan. At ang usok ng kamangyan, kalakip ng mga
panalangin ng mga banal, ay napailanglang mula sa kamay ng anghel, sa harapan
ng Dios. At kinuha ng anghel ang pangsuob ng kamangyan;
at pinuno niya ng apoy ng dambana, at itinapon sa lupa: at nagkaroon ng mga
kulog, at mga tinig, at mga kidlat, at ng isang lindol.
At ang pitong anghel na may pitong pakakak ay
nagsihanda upang magsihihip.
At humihip ang una, at nagkaroon ng granizo at
apoy, na may halong dugo, at itinapon sa lupa: at ang ikatlong bahagi ng lupa
ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punong kahoy ay nasunog, at ang lahat
ng sariwang damo ay nasunog.
At humihip ang ikalawang anghel, at ang tulad
sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay nabulusok sa dagat: at ang
ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo; At namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang
na nasa dagat, na mga may buhay; at ang ikatlong bahagi sa mga daong ay
nawalat.
At humihip ang ikatlong anghel, at nahulog
mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo,
at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig; At ang pangalan ng bituin ay Ajenjo: at ang
ikatlong bahagi ng tubig ay naging ajenjo; at maraming tao ay nangamatay dahil
sa tubig, sapagka't mapait ang tubig.
At humihip ang ikaapat na anghel, at nasugatan
ang ikatlong bahagi ng araw, at ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong
bahagi ng bituin; upang magdilim ang ikatlong bahagi nila, at upang ang
ikatlong bahagi ng maghapon ay huwag lumiwanag, at gayon din naman ang gabi.
At nakita ko, at narinig ko ang isang anghel,
na lumilipad sa pagitan ng langit, na nagsasabi ng malakas na tinig, Sa aba, sa
aba, sa aba ng mga nananahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga ibang tunog ng
pakakak ng tatlong anghel, na magsisihihip pa.
At humihip ang ikalimang
anghel, at nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit: at sa
kaniya'y ibinigay ang susi ng hukay ng kalaliman. At binuksan niya ang balon ng
kalaliman; at napailanglang ang usok mula sa hukay, na gaya ng usok ng isang
malaking lutuang-bakal; at nagdilim ang araw at ang himpapawid dahil sa usok ng
hukay. At nangagsilabas sa usok ang
mga balang sa lupa; at binigyan sila ng kapangyarihan, na gaya ng mga alakdan
sa lupa na may kapangyarihan. At sinabi sa kanila na huwag
ipahamak ang damo sa lupa, ni ang anomang bagay na sariwa, ni ang anomang
punong kahoy, kundi ang mga tao lamang na walang tatak ng Dios sa kanilang mga
noo. At pinagkalooban silang huwag
patayin ang mga ito, kundi pahirapan nilang limang buwan: at ang kanilang
pahirap ay gaya ng pahirap ng alakdan kung kumakagat sa isang tao. At sa mga araw na yaon ay
hahanapin ng mga tao ang kamatayan, at sa anomang paraa'y hindi nila
masusumpungan; at mangagnanasang mamatay, at ang kamatayan ay tatakas sa
kanila.
At ang anyo ng mga balang ay katulad ng mga
kabayong nahahanda sa pagbabaka; at sa kanilang mga ulo ay gaya ng mga putong
na katulad ng ginto, at ang kanilang mga mukha ay gaya ng mga mukha ng mga
tao. At sila'y may buhok na gaya ng buhok ng mga
babae, at ang kanilang mga ngipin ay gaya ng sa mga leon. At sila'y may mga baluti, na gaya ng baluting
bakal; at ang ugong ng kanilang mga pakpak ay gaya ng ugong ng mga karro, at ng
maraming kabayo na dumadaluhong sa pagbabaka. At sila'y may mga buntot na gaya ng sa mga
alakdan, at mga tibo; at sa kanilang mga buntot naroroon ang kanilang
kapangyarihan upang ipahamak ang mga taong limang buwan. Sila'y may pinakahari na anghel ng kalaliman:
ang kaniyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abaddon, at sa Griego ay may pangalan
siyang Apolyon.
Ang unang Pagkaaba ay nakaraan na: narito,
darating pa ang dalawang Pagkaaba sa haharapin.
At humihip ang ikaanim na anghel, at narinig
ko ang isang tinig mula sa mga sungay ng dambanang ginto na nasa harapan ng
Dios, Na nagsasabi sa ikaanim na anghel na may
pakakak, Kalagan mo ang apat na anghel na nagagapos sa malaking ilog ng
Eufrates. At kinalagan ang apat na anghel, na
nangahahanda sa oras at araw at buwan at taon upang patayin ang ikatlong bahagi
ng mga tao. At ang bilang ng mga hukbong nangangabayo ay
makalawang sangpunglibong tigsasangpung libo: aking narinig ang bilang
nila. At nakita kong sa pangitain ang mga kabayo, at
ang mga nakasakay dito, na may mga baluting gaya ng apoy at ng jacinto at ng
asupre: at ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon; at sa
kanilang mga bibig ay lumalabas ang apoy at usok at asupre. Sa pamamagitan ng tatlong salot na ito ay
napatay ang ikatlong bahagi ng mga tao, sa pamamagitan ng apoy at ng usok at ng
asupre, na nangagsisilabas sa kanilang mga bibig. Sapagka't ang kapangyarihan ng mga kabayo ay
nasa kanilang bibig, at nasa kanilang mga buntot; sapagka't ang kanilang mga
buntot ay kawangis ng mga ahas, at may mga ulo; at siya nilang ipinananakit.
At ang nalabi sa mga tao, na hindi napatay sa
mga salot na ito, ay hindi nagsipagsisi sa mga gawa ng kanilang mga kamay,
upang huwag sumamba sa mga demonio, at sa mga diosdiosang ginto, at pilak, at
tanso, at bato, at kahoy; na hindi nangakakakita, ni nangakaririnig man, ni
nangakalalakad man. At sila'y hindi nagsipagsisi sa kanilang mga
pagpatay, kahit man sa kanilang panggagaway, kahit man sa kanilang pakikiapid,
kahit man sa kanilang pagnanakaw.
At nakita ko ang ibang
malakas na anghel na nanaog na mula sa langit, na nabibihisan ng isang alapaap;
at ang bahaghari ay nasa kaniyang ulo, at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw,
at ang kaniyang mga paa ay gaya ng mga haliging apoy; At may isang maliit na aklat
na bukas sa kaniyang kamay: at itinungtong ang kaniyang kanang paa sa dagat, at
ang kaniyang kaliwa ay sa lupa; At sumigaw ng malakas na
tinig, na gaya ng leon na umaangal: at pagkasigaw niya, ay ang pitong kulog ay
umugong. At pagkaugong ng pitong
kulog, ay isusulat ko sana: at narinig ko ang isang tinig na mula sa langit, na
nagsasabi, Tatakan mo ang mga bagay na sinalita ng pitong kulog, at huwag mong
isulat. At ang anghel na aking nakita
na nakatayo sa ibabaw ng dagat at sa ibabaw ng lupa ay itinaas ang kaniyang
kanang kamay sa langit, At ipinanumpa yaong nabubuhay
magpakailan kailan man, na lumalang ng langit at ng mga bagay na naroroon, at
ng lupa at ng mga bagay na naririto, at ng dagat at ng mga bagay na naririto,
na hindi na magluluwat ang panahon: Kundi sa mga araw ng tinig ng
ikapitong anghel, pagka malapit nang siya'y humihip, kung magkagayo'y ganap na
ang hiwaga ng Dios, ayon sa mabubuting balita na kaniyang isinaysay sa kaniyang
mga alipin na mga propeta.
At ang tinig na aking narinig na mula sa
langit, ay muling nagsalita sa akin, at nagsabi, Humayo ka, kunin mo ang aklat
na bukas na nasa kamay ng anghel na nakatayo sa ibabaw ng dagat at sa ibabaw ng
lupa. At ako'y naparoon sa anghel na nagsabi ako sa
kaniya na ibigay sa akin ang maliit na aklat. At kaniyang sinabi sa akin, Kunin
mo ito, at ito'y kanin mo; at papapaitin ang iyong tiyan, datapuwa't sa iyong
bibig ay magiging matamis na gaya ng pulot. At kinuha ko ang maliit na aklat sa kamay ng
anghel, at aking kinain; at sa aking bibig ay matamis na gaya ng pulot: at nang
aking makain, ay pumait ang aking tiyan. At sinasabi nila sa akin, Dapat kang
manghulang muli sa maraming mga bayan at mga bansa at mga wika at mga hari.
At binigyan ako ng isang
tambong katulad ng isang panukat: at may isang nagsabi, Magtindig ka, at
sukatin mo ang templo ng Dios, at ang dambana, at ang mga sumasamba doon. At ang loobang nasa labas ng
templo ay pabayaan mo, at huwag mong sukatin; sapagka't ibinigay sa mga Gentil;
at kanilang yuyurakang apat na pu't dalawang buwan ang banal na siudad. At may ipagkakaloob ako sa
aking dalawang saksi, at sila'y magsisipanghulang isang libo at dalawang daan
at anim na pung araw, na nararamtan ng magagaspang na kayo. Ang mga ito'y ang dalawang
punong olibo at ang dalawang kandelero, na nangakatayo sa harapan ng Panginoon
ng lupa. At kung nasain ng sinoman na
sila'y ipahamak, ay apoy ang lumalabas sa kanilang bibig, at lumalamon sa
kanilang mga kaaway; at kung nasain ng sinoman na sila'y ipahamak ay kailangan
ang mamatay sa ganitong paraan. Ang mga ito'y may
kapangyarihang magsara ng langit, upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng
kanilang hula: at may kapangyarihan sila sa mga tubig na mapaging dugo, at
mapahirapan ang lupa ng bawa't salot sa tuwing kanilang nasain.
At pagka natapos nila ang kanilang patotoo,
ang hayop na umahon mula sa kalaliman ay babaka sa kanila, at pagtatagumpayan
sila, at sila'y papatayin. At ang kanilang mga bangkay ay nasa lansangan
ng malaking bayan, na ayon sa espiritu ay tinatawag na Sodoma at Egipto, na
doon din naman ipinako sa krus ang Panginoon nila. At ang mga tao mula sa gitna ng mga bayan at
mga angkan at mga wika at mga bansa, ay nanonood sa kanilang mga bangkay na
tatlong araw at kalahati, at hindi itutulot na ang kanilang mga bangkay ay
malibing. At ang mga nananahan sa ibabaw ng lupa ay
mangagagalak tungkol sa kanila, at mangatutuwa; at sila'y mangagpapadalahan ng
mga kaloob; sapagka't ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa nangananahan
sa ibabaw ng lupa.
At pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang
hininga ng buhay na mula sa Dios ay pumasok sa kanila, at sila'y
nangagsitindig; at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila. At narinig nila ang isang malakas na tinig na
nagsasabi sa kanila, Umakyat kayo rito. At sila'y umakyat sa langit sa isang
alapaap; at pinagmasdan sila ng kanilang mga kaaway. At nang oras na yaon ay nagkaroon ng isang malakas
na lindol, at nagiba ang ikasangpung bahagi ng bayan; at may nangamatay sa
lindol na pitong libo katao: at ang mga iba ay nangatatakot, at nangagbigay ng
kaluwalhatian sa Dios ng langit.
Nakaraan na ang ikalawang Pagkaaba: narito,
nagmamadaling dumarating ang ikatlong Pagkaaba.
At humihip ang ikapitong anghel; at nagkaroon
ng malalakas na tinig sa langit, at nagsasabi, Ang kaharian ng sanglibutan ay
naging sa ating Panginoon, at sa kaniyang Cristo: at siya'y maghahari
magpakailan kailan man. At ang dalawangpu't apat na matatanda na
nakaupo sa kanikaniyang luklukan sa harapan ng Dios ay nangagpatirapa, at
nangagsisamba sa Dios, Na nangagsasabi, Pinasasalamatan ka namin, Oh
Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, na ikaw ngayon, at naging ikaw
nang nakaraan; sapagka't hinawakan mo ang iyong dakilang kapangyarihan, at ikaw
ay naghari. At nangagalit ang mga bansa, at dumating ang
iyong poot, at ang panahon ng mga patay upang mangahatulan, at ang panahon ng
pagbibigay mo ng ganting-pala sa iyong mga alipin na mga propeta, at sa mga
banal, at sa mga natatakot sa iyong pangalan, maliliit at malalaki; at upang
ipahamak mo ang mga nagpapahamak ng lupa.
At nabuksan ang templo ng Dios na nasa langit:
at nakita sa kaniyang templo ang kaban ng kaniyang tipan; at nagkaroon ng mga
kidlat, at mga tinig, at mga kulog, at isang lindol, at malaking granizo.
At ang isang dakilang tanda
ay nakita sa langit: isang babae na nararamtan ng araw, at ang buwan ay nasa
ilalim ng kaniyang mga paa, at sa kaniyang ulo ay may isang putong na
labingdalawang bituin; At siya'y nagdadalang tao; at
siya'y sumisigaw, na nagdaramdam sa panganganak, at sa hirap upang manganak.
At ang ibang tanda ay nakita sa langit: at
narito, ang isang malaking dragong mapula, na may pitong ulo at sangpung
sungay, at sa kaniyang mga ulo'y may pitong diadema. At kinaladkad ng kaniyang buntot ang ikatlong
bahagi ng mga bituin sa langit, at ipinaghagis sa lupa: at lumagay ang dragon
sa harapan ng babaing manganganak na, upang lamunin ang kaniyang anak
pagkapanganak niya.
At siya'y nanganak ng isang anak na lalake, na
maghahari na may panghampas na bakal sa lahat ng mga bansa: at ang kaniyang
anak ay inagaw na dinala hanggang sa Dios, at hanggang sa kaniyang
luklukan. At tumakas ang babae sa ilang, na doon siya'y
ipinaghanda ng Dios ng isang dako, upang doon siya ampuning isang libo dalawang
daan at anim na pung araw.
At nagkaroon ng pagbabaka sa langit: si Miguel
at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon; at ang dragon at ang
kaniyang mga anghel ay nakipagbaka; At hindi sila nanganalo, ni nasumpungan pa man
ang kanilang dako sa langit. At inihagis ang malaking dragon, ang matandang
ahas, ang tinatawag na Diablo at Satanas, ang dumadaya sa buong sanglibutan;
siya'y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama
niya. At narinig ko ang isang malakas na tinig sa
langit, na nagsasabi, Ngayo'y dumating ang kaligtasan, at ang kapangyarihan, at
ang kaharian ng ating Dios, at ang kapamahalaan ng kaniyang Cristo: sapagka't
inihagis na ang tagapagsumbong sa ating mga kapatid na siyang sa kanila'y
nagsusumbong sa harapan ng ating Dios araw at gabi. At siya'y kanilang dinaig dahil sa dugo ng
Cordero, at dahil sa salita ng kanilang patotoo, at hindi nila inibig ang
kanilang buhay hanggang sa kamatayan. Kaya't mangagalak kayo, Oh mga langit at
kayong nagsisitahan diyan. Sa aba ng lupa at ng dagat: sapagka't ang diablo'y
bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na
lamang mayroon siya.
At nang makita ng dragon na siya'y inihagis sa
lupa, ay inusig niya ang babaing nanganak ng sanggol na lalake. At sa babae'y ibinigay ang dalawang pakpak ng
agilang malaki, upang ilipad sa ilang mula sa harap ng ahas hanggang sa
kaniyang tahanan, na pinagkandilihan sa kaniyang isang panahon, at mga panahon,
at kalahati ng isang panahon. At ang ahas ay nagbuga sa kaniyang bibig sa
likuran ng babae ng tubig na gaya ng isang ilog, upang maipatangay siya sa
agos. At tinulungan ng lupa ang babae, at ibinuka
ang kaniyang bibig at nilamon ang ilog na ibinuga ng dragon sa kaniyang
bibig. At nagalit ang dragon sa babae, at umalis
upang bumaka sa nalabi sa kaniyang binhi, na siyang nagsisitupad ng mga utos ng
Dios, at mga may patotoo ni Jesus:
At siya'y tumayo sa buhanginan
ng dagat. At nakita ko ang isang hayop na umaahon sa dagat, na may sangpung
sungay at pitong ulo, at sa kanilang mga sungay ay may sangpung diadema, at sa
kaniyang mga ulo ay mga pangalan ng kapusungan. At ang hayop na aking nakita
ay katulad ng isang leopardo, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng sa oso, at ang
kaniyang bibig ay gaya ng bibig ng leon: at ibinigay sa kaniya ng dragon ang
kaniyang kapangyarihan, at ang kaniyang luklukan, at dakilang
kapamahalaan. At nakita ko ang isa sa
kaniyang mga ulo na waring sinugatan ng ikamamatay; at ang kaniyang sugat na
ikamamatay ay gumaling: at ang buong lupa'y nanggilalas sa hayop; At sila'y nangagsisamba sa
dragon, sapagka't ibinigay niya ang kaniyang kapamahalaan sa hayop; at
nangagsisamba sa hayop, na nangagsasabi, Sino ang kagaya ng hayop? at sinong
makababaka sa kaniya? At binigyan siya ng isang
bibig na nagsasalita ng malalaking bagay at mga kapusungan: at binigyan siya ng
kapamahalaan, upang magpatuloy na apat na pu't dalawang buwan. At binuka niya ang kaniyang
bibig sa mga kapusungan laban sa Dios, upang pusungin ang kaniyang pangalan, at
ang kaniyang tabernakulo, gayon din naman ang mga nananahan sa langit.
At ipinagkaloob sa kaniya na makipagbaka sa
mga banal, at pagtagumpayan sila; at binigyan siya ng kapamahalaan sa bawa't
angkan at bayan at wika at bansa. At ang lahat ng nangananahan sa lupa ay
magsisisamba sa kaniya, na ang kanikaniyang pangalan ay hindi nasusulat sa
aklat ng buhay ng Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan. Kung ang sinoman ay may pakinig, ay
makinig. Kung ang sinoman ay sa pagkabihag, ay sa
pagkabihag paroroon siya: kung ang sinoman ay papatay sa tabak, ay dapat siyang
mamatay sa tabak. Narito ang pagtitiyaga at ang pananampalataya ng mga banal.
At nakita ko ang ibang hayop na umaahon sa
lupa; at may dalawang sungay na katulad ng sa isang kordero, at siya'y
nagsasalitang gaya ng dragon. At kaniyang isinasagawa ang buong kapamahalaan
ng unang hayop sa kaniyang paningin. At pinasasamba niya ang lupa at ang
nangananahan dito sa unang hayop, na gumaling ang sugat na ikamamatay. At siya'y gumagawa ng mga dakilang tanda, na
ano pa't nakapagpapababa ng kahit apoy mula sa langit hanggang sa lupa sa
paningin ng mga tao. At nadadaya niya ang mga nananahan sa lupa
dahil sa mga tanda na sa kaniya'y ipinagkaloob na magawa sa paningin ng hayop;
na sinasabi sa mga nananahan sa lupa, na dapat silang gumawa ng isang larawan
ng hayop na mayroon ng sugat ng tabak at nabuhay. At siya'y pinagkaloobang makapagbigay ng
hininga sa larawan ng hayop, upang ang larawan ng hayop ay makapangusap, at
maipapatay naman ang lahat ng hindi sumasamba sa larawan ng hayop. At ang lahat, maliliit at malalaki, at
mayayaman at mga dukha, at ang mga laya at ang mga alipin ay pinabigyan ng
isang tanda sa kanilang kanang kamay, o sa noo; At nang huwag makabili o makapagbili ang
sinoman, kundi siyang mayroong tanda, sa makatuwid ay ng pangalan ng hayop o
bilang ng kaniyang pangalan. Dito'y may karunungan. Ang may pagkaunawa ay
bilangin ang bilang ng hayop; sapagka't siyang bilang ng isang tao: at ang
kaniyang bilang ay Anim na raan at anim na pu't anim.
At tumingin ako, at narito,
ang Cordero ay nakatayo sa bundok ng Sion, at ang kasama niya'y isang daan at
apat na pu't apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kaniyang Ama, na
nasusulat sa kanikaniyang noo. At narinig ko ang isang tinig
na mula sa langit, na gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng
malakas na kulog: at ang tinig na aking narinig ay gaya ng sa mga manunugtog ng
alpa na tumutugtog ng kanilang mga alpa: At sila'y nangagaawitan na
wari'y isang bagong awit sa harapan ng luklukan, at sa harap ng apat na
nilalang na buhay at ng matatanda: at sinoman ay hindi maaaring matuto ng awit
kundi ang isang daan at apat na pu't apat na libo lamang, sa makatuwid ay
siyang mga binili mula sa lupa. Ang mga ito'y ang hindi
nangahawa sa mga babae; sapagka't sila'y mga malilinis. At ang mga ito'y ang
nagsisisunod sa Cordero saan man siya pumaroon. Ang mga ito'y ang binili sa
gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Dios at sa Cordero. At sa kanikaniyang bibig ay
walang nasumpungang kasinungalingan: sila'y mga walang dungis.
At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa
gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga
nananahan sa lupa, at sa bawa't bansa at angkan at wika at bayan; At sinasabi niya ng malakas na tinig, Matakot
kayo sa Dios, at magbigay kaluwalhatian sa kaniya; sapagka't dumating ang
panahon ng kaniyang paghatol: at magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa
at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.
At ang iba, ang pangalawang anghel, ay sumunod
na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat
na bansa ng alak ng kagalitan ng kaniyang pakikiapid.
At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod
sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sinoman ay sumasamba sa
hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa
kaniyang kamay, Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan
ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya'y
pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan
ng Cordero: At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang
magpakailan kailan man; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga
nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda
ng kaniyang pangalan. Narito ang pagtitiyaga ng mga banal, ng mga
nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at ng pananampalataya kay Jesus.
At narinig ko ang isang tinig na mula sa
langit na nagsasabi, Isulat mo, Mapapalad ang mga patay na nangamamatay sa
Panginoon mula ngayon: oo, sinasabi ng Espiritu, upang sila'y mangagpahinga sa
kanilang mga gawa; sapagka't ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.
At nakita ko, at narito, ang isang alapaap na
maputi; at nakita ko na nakaupo sa alapaap ang isang katulad ng isang anak ng
tao, na sa kaniyang ulo'y may isang putong na ginto, at sa kaniyang kamay ay
may isang panggapas na matalas. At lumabas ang ibang anghel sa templo, na
sumisigaw ng malakas na tinig doon sa nakaupo sa alapaap, Ihulog mo ang iyong
panggapas, at gumapas ka; sapagka't dumating ang oras ng paggapas, sapagka't
ang aanihin sa lupa ay hinog na. At inihagis ng nakaupo sa alapaap ang kaniyang
panggapas sa lupa; at ang lupa ay nagapasan.
At lumabas ang ibang anghel sa templong nasa
langit, na may panggapas din namang matalas. At ang ibang anghel ay lumabas sa dambana, na
siyang may kapangyarihan sa apoy, at tinawagan ng malakas na tinig yaong may
panggapas na matalas, na sinasabi, Ihulog mo ang iyong panggapas na matalas, at
putihin mo ang mga buwig sa ubasan sa lupa; sapagka't ang kaniyang mga ubas ay
mga hinog na. At inihagis ng anghel ang kaniyang panggapas
sa lupa, at pinuti ang mga ubas sa lupa, at inihagis sa pisaan ng ubas, sa
malaking pisaan ng kagalitan ng Dios. At nayurakan ang pisaan ng ubas sa labas ng
bayan, at lumabas sa pisaan ng ubas ang dugo, na umapaw hanggang sa mga preno
ng mga kabayo, sa lawak na isang libo at anim na raang estadio.
At nakita ko ang ibang tanda
sa langit, dakila at kagilagilalas. Pitong anghel na may pitong salot, na
siyang mga panghuli, sapagka't sa mga yao'y magaganap ang kagalitan ng Dios.
At nakita ko ang gaya ng isang dagat na bubog
na may halong apoy, at yaong nangagtagumpay sa hayop, at sa kaniyang larawan,
at sa bilang ng kaniyang pangalan, ay nangakatayo sa tabi ng dagat na bubog, na
may mga alpa ng Dios.
At inaawit nila ang awit ni Moises na alipin
ng Dios, at ang awit ng Cordero, na sinasabi, Mga dakila at kagilagilalas ang
iyong mga gawa, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat; matuwid at
tunay ang iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga bansa.
Sinong hindi matatakot, Oh Panginoon, at
luluwalhatiin ang iyong pangalan? sapagka't ikaw lamang ang banal; sapagka't
ang lahat ng mga bansa ay darating at magsisisamba sa harapan mo; sapagka't ang
iyong mga matuwid na gawa ay nangahayag.
At pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin
ako, at ang santuario ng tabernakulo ng patotoo sa langit ay nabuksan. At sa santuario ay nagsilabas ang pitong
anghel na may pitong salot, na nararamtan ng mahalagang bato, tunay at
makintab, at nangabibigkisan ng gintong pamigkis ang kanilang mga dibdib. At isa sa apat na nilalang na buhay ay nagbigay
sa pitong anghel ng pitong mangkok na ginto na puno ng kagalitan ng Dios, na
siyang nabubuhay magpakailan kailan man. At napuno ng usok ang santuario mula sa
kaluwalhatian ng Dios, at sa kaniyang kapangyarihan; at sinoman ay hindi
nakapasok sa santuario, hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.
At narinig ko ang isang
malakas na tinig na mula sa santuario, na nagsasabi sa pitong anghel, Humayo
kayo, at ibuhos ninyo ang pitong mangkok ng kagalitan ng Dios sa lupa.
At humayo ang una, at ibinuhos ang kaniyang
mangkok sa lupa; at naging sugat na masama at mabigat sa mga taong may tanda ng
hayop na yaon, at nangagsisamba sa kaniyang larawan.
At ibinuhos ng ikalawa ang kaniyang mangkok sa
dagat; at naging dugo na gaya ng isang patay; at bawa't kaluluwang may buhay,
sa makatuwid ay ang nangasa dagat ay nangamatay.
At ibinuhos ng ikatlo ang kaniyang mangkok sa
mga ilog at sa mga bukal ng tubig; at nangaging dugo. At narinig ko ang anghel ng tubig na
nagsasabi, Matuwid ka, na ngayon at nang nakaraan, Oh Banal, sapagka't humatol
ka na gayon; Sapagka't ibinuhos nila ang dugo ng mga banal
at ng mga propeta, at pinainom mo sila ng dugo; ito'y karapatdapat sa
kanila. At narinig ko ang dambana na nagsasabi, Oo, Oh
Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, tunay at matuwid ang iyong mga
hatol.
At ibinuhos ng ikaapat ang kaniyang mangkok sa
araw; at ibinigay nito sa kaniya ng masunog ng apoy ang mga tao. At nangasunog ang mga tao sa matinding init:
at sila'y namusong sa pangalan ng Dios na may kapangyarihan sa mga salot na
ito; at hindi sila nangagsisi upang siya'y luwalhatiin.
At ibinuhos ng ikalima ang kaniyang mangkok sa
luklukan ng hayop na yaon; at nagdilim ang kaniyang kaharian; at nginatngat
nila ang kanilang mga dila dahil sa hirap, At sila'y namusong sa Dios ng langit dahil sa
kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nangagsisi sa
kanilang mga gawa.
At ibinuhos ng ikaanim ang kaniyang mangkok sa
malaking ilog na Eufrates; at natuyo ang tubig nito, upang mahanda ang dadaanan
ng mga haring mula sa sikatan ng araw.
At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon, at
sa bibig ng hayop, at sa bibig ng bulaang propeta, ang tatlong espiritung
karumaldumal, na gaya ng mga palaka: Sapagka't sila'y mga espiritu ng mga demonio,
na nagsisigawa ng mga tanda; na pinaparoonan nila ang mga hari sa buong sanglibutan,
upang tipunin sa pagbabaka sa dakilang araw ng Dios, na Makapangyarihan sa
lahat. (Narito, ako'y pumaparitong gaya ng
magnanakaw. Mapalad siyang nagpupuyat, at nagiingat ng kaniyang mga damit, na
baka siya'y lumakad na hubad, at makita nila ang kaniyang kahihiyan.) At tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay
tinatawag na Armagedon.
At ibinuhos ng ikapito ang kaniyang mangkok sa
hangin; at lumabas sa santuario ang isang malakas na tinig, mula sa luklukan na
nagsasabi, Nagawa na: At nagkaroon ng mga kidlat, at mga tinig, at
mga kulog; at nagkaroon ng malakas na lindol, na di nangyari kailan man mula
nang magkatao sa lupa, isang lindol na lubhang malakas, lubhang
kakilakilabot. At ang dakilang bayan ay nabahagi sa tatlo, at
ang mga bayan ng mga bansa ay nangaguho: at ang dakilang Babilonia ay
napagalaala sa paningin ng Dios, upang siya'y bigyan ng inuman ng alak ng
kabagsikan ng kaniyang kagalitan. At tumakas ang bawa't pulo, at ang mga bundok
ay hindi nangasumpungan. At malaking granizo na kasinglaki ng talento
ay lumagpak sa mga tao buhat sa langit, at namusong ang mga tao sa Dios dahil
sa salot na granizo; sapagka't ang salot na ito ay lubhang malaki.
At dumating ang isa sa pitong
anghel na may pitong mangkok, at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Pumarito ka,
ipakikita ko sa iyo ang hatol sa bantog na patutot na nakaupo sa maraming
tubig; Na siyang pinakiapiran ng mga
hari sa lupa, at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang
pakikiapid. At ako'y kaniyang dinalang
nasa Espiritu sa isang ilang: at nakita ko ang isang babae na nakasakay sa
isang hayop na pula, na puno ng mga pangalang pamumusong, na may pitong ulo at
sangpung sungay. At nararamtan ang babae ng
kulay-ube at ng pula, at nahihiyasan ng ginto at ng mga mahalagang bato at mga
perlas, na sa kaniyang kamay ay may isang sarong ginto na puno ng mga
kasuklamsuklam, at ng mga bagay na marurumi ng kaniyang pakikiapid, At sa kaniyang noo ay
nakasulat ang isang pangalan, HIWAGA, DAKILANG BABILONIA, INA NG MGA PATUTOT AT
NG MGA KASUKLAMSUKLAM SA LUPA. At nakita ko ang babae na
lasing sa dugo ng mga banal, at sa dugo ng mga martir ni Jesus. At nang aking
makita siya ay nanggilalas ako ng malaking panggigilalas. At sinabi sa akin ng anghel,
Bakit ka nanggilalas? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng hayop na
sinasakyan niya, na may pitong ulo at sangpung sungay.
At ang hayop na nakita mo ay naging siya, at
wala na; at malapit ng umahon sa kalaliman, at patungo sa kapahamakan. At
silang mga nananahan sa lupa ay manggigilalas na ang kanilang pangalan ay hindi
nakasulat sa aklat ng buhay mula nang itatag ang sanglibutan, pagkakita nila sa
hayop, kung paano naging siya at wala na, at darating. Narito ang pagiisip na may karunungan. Ang
pitong ulo ay pitong bundok na kinauupuan ng babae: At sila'y pitong hari; ang lima ay nanga
buwal, ang isa'y narito, ang isa ay hindi pa dumarating; at pagdating niya ay
dapat magtagal na sangdaling panahon. At ang hayop na naging siya, at wala na, ay
siya ring ikawalo at siya'y sa pito at siya'y patungo sa kapahamakan. At ang sangpung sungay na iyong nakita ay
sangpung hari, na hindi pa nagsisitanggap ng kaharian; datapuwa't
magsisitanggap sila ng kapamahalaang paghahari na isang oras na kasama ng
hayop. Ang mga ito ay may isang kaisipan, at
ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa hayop.
Makikipagbaka ang mga ito laban sa Cordero, at
sila'y dadaigin ng Cordero, sapagka't siya'y Panginoon ng mga panginoon at Hari
ng mga Hari; at ng mga kasama niya, na mga tinawag at mga pili at mga tapat ay
nananaig din.
At sinabi niya sa akin, Ang tubig na iyong
nakita, na kinauupuan ng patutot, ay mga bayan, at mga karamihan, at mga bansa,
at mga wika. At ang sangpung sungay na iyong nakita, at ang
hayop, ay siyang nangapopoot sa patutot, at siya'y pababayaan at huhubaran, at
kakanin ang kaniyang laman, at siya'y lubos na susupukin ng apoy. Sapagka't inilagay ng Dios sa kanilang mga
puso na gawin ang kaniyang kaisipan, at mangagkaisa ng kaisipan, at ibigay ang
kanilang kaharian sa hayop, hanggang sa maganap ang mga salita ng Dios. At ang babae na iyong nakita ay ang dakilang
bayan, na naghahari sa mga hari sa lupa.
Pagkatapos ng mga bagay na
ito ay nakita ko ang ibang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang
kapamahalaan; at ang lupa ay naliwanagan ng kaniyang kaluwalhatian. At siya'y sumigaw ng malakas
na tinig, na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, at naging
tahanan ng mga demonio, at kulungan ng bawa't espiritung karumaldumal, at
kulungan ng bawa't karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon. Sapagka't dahil sa alak ng
galit ng kaniyang pakikiapid ay nangaguho ang lahat ng mga bansa; at ang mga
hari sa lupa ay nangakiapid sa kaniya, at ang mga mangangalakal sa lupa ay
nagsiyaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang kalayawan.
At narinig ko ang ibang tinig na mula sa
langit, na nagsasabi, Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag
kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng
kaniyang mga salot: Sapagka't ang kaniyang mga kasalanan ay umabot
hanggang sa langit at naalaala ng Dios ang kaniyang mga katampalasanan. Ibigay din ninyo ang ayon sa ibinigay niya sa
inyo, at ibayuhin ninyo ng ibayo sa kaniyang mga gawa: sa sarong kaniyang
pinaghaluan ay ipaghalo ninyo siya ng ibayo. Kung gaano ang pagkakapagmapuri, at
pagkapamuhay na malayaw, ay gayon din naman ang ibigay ninyo sa kaniyang
pahirap at pagluluksa: sapagka't sinasabi niya sa kaniyang puso, Ako'y
nakaupong reina, at hindi ako bao, at hindi ko makikita kailan man ang pagluluksa. Kaya't darating sa isang araw ang mga salot sa
kaniya, kamatayan at pagluluksa, at gutom; at siya'y lubos na susunugin sa
apoy; sapagka't malakas ang Panginoong Dios na humatol sa kaniya.
At ang mga hari sa lupa, na nangakiapid at
nangabuhay na malayaw na kasama niya, ay mangagsisiiyak at mangagsisitaghoy
tungkol sa kaniya, pagkakita nila ng usok ng kaniyang pagkasunog, At nangakatayo sa malayo dahil sa takot sa
pahirap sa kaniya, na nangagsasabi, Sa aba, sa aba ng dakilang bayang
Babilonia, ng bayang matibay! sapagka't sa isang oras ay dumating ang hatol sa
iyo.
At ang mga mangangalakal sa lupa ay
mangagsisiiyak at mangagluluksa tungkol sa kaniya, sapagka't wala nang bibili
pa ng kaniyang kalakal; Ng kalakal na ginto at pilak, at mahalagang
bato, at mga perlas, at mainam na lino, at kayong kulay ube, at sutla, at
kayong pula; at sarisaring mababangong kahoy, at bawa't kasangkapang garing, at
bawa't kasangkapang mahalagang kahoy, at tanso, at bakal, at marmol; At kanela, at especias, at incienso, at
ungguento, at kamangyan, at alak, at langis, at mainam na harina, at trigo, at
mga baka, at mga tupa; at kalakal na mga kabayo at mga karo, at mga alipin; at
mga kaluluwa ng mga tao. At ang mga bungang pinipita mo ay nangapalayo
sa iyo, at lahat ng mga bagay na maiinam at mariringal ay nangalipol sa iyo, at
hindi na mangasusumpungan pa. Ang mga mangangalakal ng mga bagay na ito, na
nangagsiyaman dahil sa kaniya, ay mangagsisitayo sa malayo dahil sa takot sa
pahirap sa kaniya, na nagsisiiyak at nagsisipagluksa; Na nangagsasabi, Sa aba, sa aba, niyaong
dakilang bayan, siya na nararamtan ng mahalagang lino at ng kayong kulay ube,
at pula, at napapalamutihan ng ginto at ng mahalagang bato at ng perlas! Sapagka't sa loob ng isang oras ay nalipol ang
gayong malaking kayamanan. At bawa't pinunong daong, at bawa't naglalayag saan
mang dako, at ang mga mangdaragat, at lahat ng nagsisipaghanap-buhay sa dagat,
ay nangakatayo sa malayo, At nangagsisisigaw pagkakita sa usok ng
kaniyang pagkasunog, na nangagsasabi, Anong bayan ang katulad ng dakilang
bayan? At sila'y nangagbubuhos ng alabok sa kanilang
mga ulo, at nagsisigawan, na nagiiyakan at nagtataghuyan, na nangagsasabi, Sa
aba, sa aba, ang dakilang bayan, na siyang iniyaman ng lahat na may mga daong
sa dagat dahil sa kaniyang mga kayamanan! sapagka't sa loob ng isang oras ay
nalipol. Magalak ka tungkol sa kaniya, Oh langit, at
kayong mga banal, at kayong mga apostol, at kayong mga propeta; sapagka't
inihatol ng Dios ang inyong hatol sa kaniya.
At dinampot ng isang anghel na malakas ang
isang bato, na gaya ng isang malaking gilingang bato, at inihagis sa dagat, na
sinasabi, Gayon sa isang kakilakilabot na pagkahulog, igigiba ang Babilonia,
ang dakilang bayan, at hindi na masusumpungan pa. At ang tinig ng mga manunugtog ng alpa, at ng
mga musiko at ng mga manunugtog ng plauta, at ng mga manunugtog ng pakakak ay
hindi na maririnig pa sa iyo; at wala nang manggagawa ng anomang gawa ay
masusumpungan pa sa iyo; at ang ugong ng gilingan ay hindi na maririnig pa sa
iyo; At ang ilaw ng ilawan ay hindi na liliwanag pa
sa iyo, at ang tinig ng kasintahang lalake at ng kasintahang babae ay hindi na
maririnig pa sa iyo; sapagka't ang mga mangangalakal mo ay naging mga pangulo
sa lupa; sapagka't dinaya ng iyong panggagaway ang lahat ng mga bansa. At nasumpungan sa kaniya ang dugo ng mga
propeta, at ng mga banal, at ng lahat ng mga pinatay sa lupa.
Pagkatapos ng mga bagay na
ito ay narinig ko ang gaya ng isang malaking tinig ng isang makapal na
karamihan sa langit, na nagsasabi, Aleluya; Kaligtasan, at kaluwalhatian, at
kapangyarihan, ay nauukol sa ating Dios: Sapagka't tunay at matuwid
ang kaniyang mga paghatol; sapagka't hinatulan niya ang bantog na patutot, na
siyang nagpasama sa lupa ng kaniyang pakikiapid, at iginanti niya ang dugo ng
kaniyang mga alipin sa pamamagitan ng kaniyang kamay. At sila'y muling nangagsabi,
Aleluya. At ang usok niya ay napaiilanglang magpakailan kailan man. At nangagpatirapa ang
dalawangpu't apat na matatanda at ang apat na nilalang na buhay, at
nangagsisamba sa Dios na nakaupo sa luklukan, na nangagsasabi, Siya nawa;
Aleluya. At lumabas ang isang tinig sa
luklukan, na nagsasabi, Purihin ninyo ang ating Dios, ninyong lahat na mga
lingkod niya, ninyong lahat na mga natatakot sa kaniya, maliliit at
malalaki. At narinig ko ang gaya ng
isang tinig ng isang makapal na karamihan, at gaya ng lagaslas ng maraming
tubig, at gaya ng ugong ng malalakas na kulog na nagsasabi, Aleluya: sapagka't
naghahari ang Panginoong ating Dios na Makapangyarihan sa lahat.
Tayo'y mangagalak at tayo'y mangagsayang
mainam, at siya'y ating luwalhatiin; sapagka't dumating ang pagkakasal ng
Cordero, at ang kaniyang asawa ay nahahanda na. At sa kaniya'y ipinagkaloob na damtan ang
kaniyang sarili ng mahalagang lino, makintab at tunay; sapagka't ang mahalagang
lino ay siyang mga matuwid na gawa ng mga banal.
At sinasabi niya sa akin, Isulat mo, Mapapalad
ang mga inanyayahan sa paghapon sa kasalan ng Cordero. At sinasabi niya sa
akin, Ang mga ito'y siyang tunay na mga salita ng Dios. At ako'y nagpatirapa sa kaniyang paanan upang
siya'y aking sambahin. At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan:
ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mayroong patotoo ni Jesus:
sumamba ka sa Dios: sapagka't ang patotoo ni Jesus ay siyang espiritu ng hula.
At nakita kong bukas ang langit; at narito,
ang isang kabayong maputi, at yaong nakasakay dito ay tinatawag na Tapat at
Totoo; at sa katuwiran siya'y humahatol at nakikipagbaka. At ang kaniyang mga mata ay ningas ng apoy, at
sa kaniyang ulo ay maraming diadema; at siya'y may isang pangalang nakasulat,
na sinoman ay di nakaaalam kundi siya rin. At siya'y nararamtan ng damit na winisikan ng
dugo: at ang kaniyang pangalan ay tinatawag na Ang Verbo ng Dios. At ang mga hukbong nasa langit ay sumusunod sa
kaniya na mga nakasakay sa mga kabayong puti, at nangararamtan ng mahalagang
linong maputi at dalisay. At sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang
tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y sugatan niya ang mga bansa: at
kaniyang paghaharian ng tungkod na bakal: at niyuyurakan niya ang pisaan ng
ubas ng kabangisan ng kagalitan ng Dios na Makapangyarihan sa lahat. At siya'y mayroong isang pangalang nakasulat
sa kaniyang damit at sa kaniyang hita, HARI NG MGA HARI AT PANGINOON NG MGA
PANGINOON.
At nakita kong nakatayo ang isang anghel sa
araw; na siya'y sumisigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi sa lahat ng mga
ibong lumilipad sa gitna ng himpapawid, Halikayo at mangagkatipon sa dakilang
hapunan ng Dios; Upang kayo'y makakain ng laman ng mga hari, at
ng laman ng mga pangulong kapitan, at ng laman ng mga taong makapangyarihan, at
ng laman ng mga kabayo at ng mga nakasakay dito, at ng laman ng lahat ng mga
taong laya at mga alipin man, at maliliit at malalaki.
At nakita ko ang hayop, at ang mga hari sa
lupa, at ang kanilang mga hukbo, na nangagkakatipon upang makipagbaka laban
doon sa nakasakay sa kabayo, at laban sa kaniyang hukbo.
At sinunggaban ang hayop, at kasama niya ang
bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa harapan nito, na siyang ipinangdaya
sa mga nagsitanggap ng tanda ng hayop at sa mga sumamba sa larawan nito: ang
dalawang ito ay inihagis na buhay sa dagatdagatang apoy na nagliliyab sa
asupre: At ang mga iba ay pinatay sa tabak na
lumalabas sa bibig niyaong nakasakay sa kabayo, at ang lahat ng mga ibon ay
nangabusog ng mga laman nila.
At nakita ko ang isang anghel
na nananaog mula sa langit, na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala
sa kaniyang kamay. At sinunggaban niya ang dragon,
ang matandang ahas, na siyang Diablo at Satanas, at ginapos na isang libong
taon, At siya'y ibinulid sa
kalaliman at sinarhan, at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang huwag ng magdaya
sa mga bansa, hanggang sa maganap ang isang libong taon: pagkatapos nito ay
kailangang siya'y pawalang kaunting panahon.
At nakakita ako ng mga luklukan, at may mga
nagsisiluklok sa mga ito, sila'y pinagkalooban ng paghatol: at nakita ko ang
mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo ni Jesus, at dahil sa
salita ng Dios, at ang mga hindi sumamba sa hayop, o sa kaniyang larawan man,
at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay; at sila'y
nangabuhay, at nagsipagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong
taon. Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay
hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na
maguli. Mapalad at banal ang makalakip sa unang
pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang
kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at
mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.
At kung maganap na ang isang libong taon, si
Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan, At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa
apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na
ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa,
at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang
apoy mula sa langit, at sila'y nasupok. At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid
sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng
bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.
At nakita ko ang isang malaking luklukang
maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit
ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila. At nakita ko ang mga patay, malalaki at
maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat:
at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay
hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga
gawa. At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa
kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at
sila'y hinatulan bawa't tao ayon sa kanikaniyang mga gawa. At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa
dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang
dagatdagatang apoy. At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang
nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.
At nakita ko ang isang bagong
langit at ang isang bagong lupa: sapagka't ang unang langit at ang unang lupa
ay naparam; at ang dagat ay wala na. At nakita ko ang bayang
banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na
nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang
asawa. At narinig ko ang isang
malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng
Dios ay nasa mga tao, at siya'y mananahan sa kanila, at sila'y magiging mga
bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila: At papahirin niya ang bawa't
luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na
magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga
bagay nang una ay naparam na.
At yaong nakaluklok sa luklukan ay nagsabi,
Narito, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay. At sinabi niya, Isulat mo:
sapagka't ang mga salitang ito ay tapat at tunay. At sinabi niya sa akin, Nagawa na. Ako ang
Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay aking paiinuming
walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay. Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na
ito; at ako'y magiging Dios niya, at siya'y magiging anak ko. Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi
mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga
mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa
lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas
sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.
At dumating ang isa sa pitong anghel na may
pitong mangkok, na mga puno ng pitong huling salot; at nagsalita sa akin, na
nagsasabi, Halika, ipakikita ko sa iyo ang babaing kasintahan, ang asawa ng
Cordero.
At dinala niya akong nasa Espiritu sa isang
malaki at mataas na bundok, at ipinakita sa akin ang bayang banal na Jerusalem,
na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, Na may kaluwalhatian ng Dios: ang kaniyang
ilaw ay katulad ng isang totoong mahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na
malinaw na gaya ng salamin: Na may isang malaki at mataas na kuta; na may
labingdalawang pintuan, at sa mga pintuan ay labingdalawang anghel; at may mga
pangalang nakasulat sa mga yaon, na siyang sa labingdalawang angkan ng mga anak
ng Israel: Sa silanganan ay may tatlong pintuan; at sa
hilagaan ay may tatlong pintuan; at sa timugan ay may tatlong pintuan; at sa
kalunuran ay may tatlong pintuan. At ang kuta ng bayan ay may labingdalawang
pinagsasaligan, at sa mga ito'y ang labingdalawang pangalan ng labingdalawang
apostol ng Cordero.
At ang nakikipagusap sa akin ay may panukat na
tambong ginto upang sukatin ang bayan, at ang mga pintuan nito, at ang kuta
nito. At ang pagkatayo ng bayan ay parisukat, at ang
kaniyang haba ay gaya ng kaniyang luwang: at sinukat niya ng tambo ang bayan,
ay labingdalawang libong estadio: ang haba at ang luwang at ang taas nito ay
magkakasukat. At sinukat niya ang kuta nito, ay isang daan
at apat na pu't apat na siko, ayon sa sukat ng tao, sa makatuwid baga'y ng
isang anghel. At ang malaking bahagi ng kuta niya ay jaspe:
at ang bayan ay dalisay na ginto, na katulad ng malinis na bubog. Ang mga pinagsasaligan ng kuta ng bayan ay may
pamuting sarisaring mahahalagang bato. Ang unang pinagsasaligan ay jaspe; ang
ikalawa ay zafiro; ang ikatlo ay calcedonia; ang ikaapat ay esmeralda; Ang ikalima ay sardonica; ang ikaanim ay
sardio; ang ikapito ay crisolito; ang ikawalo ay berilo; ang ikasiyam ay
topacio; ang ikasangpu ay crisopasio; ang ikalabingisa ay jacinto; ang
ikalabingdalawa ay amatista. At ang labingdalawang pintuan ay
labingdalawang perlas; at bawa't pinto ay isang perlas; at ang lansangan ng
bayan ay dalisay na ginto, na gaya ng nanganganinag na bubog.
At hindi ako nakakita ng templo doon:
sapagka't ang Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat, at ang Cordero ay
siyang templo doon. At ang bayan ay hindi nangangailangan ng araw,
o ng buwan man, upang lumiwanag sa kaniya: sapagka't nililiwanagan ng
kaluwalhatian ng Dios, at ang ilaw doon ay ang Cordero. At ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng
liwanag nito: at ang mga hari sa lupa ay mangagdadala ng kanilang karangalan sa
loob niyaon. At ang mga pintuan niyaon ay hindi ilalapat
kailan man sa araw (sapagka't hindi magkakaroon doon ng gabi): At dadalhin nila sa loob niyaon ang karangalan
at kapurihan ng mga bansa: At hindi papasok doon sa anomang paraan ang
anomang bagay na karumaldumal, o siyang gumagawa ng kasuklamsuklam at ng
kasinungalingan: kundi yaon lamang na mga nakasulat sa aklat ng buhay ng
Cordero.
At ipinakita niya sa akin ang
isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa
luklukan ng Dios at ng Cordero, Sa gitna ng lansangang yaon.
At sa dako rito ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na
namumunga ng labingdalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawa't buwan: at
ang mga dahon ng punong kahoy ay pangpagaling sa mga bansa. At hindi na magkakaroon pa ng
sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya'y
paglilingkuran ng kaniyang mga alipin; At makikita nila ang kaniyang
mukha; at ang kaniyang pangalan ay sasa kanilang mga noo. At hindi na magkakaroon pa ng
gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man
ng araw; sapagka't liliwanagan sila ng Panginoong Dios: at sila'y maghahari
magpakailan kailan man.
At sinabi niya sa akin, Ang mga salitang ito'y
tapat at tunay, at ang Panginoon, ang Dios ng mga espiritu ng mga propeta, ay
nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay
na kinakailangang mangyari madali.
At narito, ako'y madaling pumaparito. Mapalad
ang tumutupad ng mga salita ng hula ng aklat na ito.
At akong si Juan, ako ang nakarinig at
nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, ay nagpatirapa
ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na
ito. At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag
gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at
ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito: sumamba ka sa Dios.
At sinasabi niya sa akin, Huwag mong tatakan
ang mga salita ng hula ng aklat na ito; sapagka't malapit na ang panahon. Ang liko, ay magpakaliko pa: at ang marumi, ay
magpakarumi pa: at ang matuwid, ay magpakatuwid pa: at ang banal, ay
magpakabanal pa.
Narito, ako'y madaling pumaparito; at ang
aking ganting-pala ay nasa akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa't isa ayon
sa kaniyang gawa. Ako ang Alpha at ang Omega, at ang una at ang
huli, ang pasimula at ang wakas.
Mapapalad ang nangaghuhugas ng kanilang damit,
upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa
bayan sa pamamagitan ng mga pintuan. Nangasa labas ang mga aso, at ang mga
manggagaway, at ang mga mapakiapid, at ang mga mamamatay-tao, at ang mga
mapagsamba sa diosdiosan, at ang bawa't nagiibig at gumagawa ng
kasinungalingan.
Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel
upang sa inyo'y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesia. Ako ang ugat at
ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.
At ang Espiritu at ang kasintahang babae ay
nagsasabi, Halika. At ang nakikinig ay magsabi, Halika. At ang nauuhaw, ay
pumarito: ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.
Aking sinasaksihan sa bawa't taong nakikinig
sa mga salita ng hula ng aklat na ito, Kung ang sinoman ay magdagdag sa mga
ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga salot na nakasulat sa aklat na
ito: At kung ang sinoman ay magalis sa mga salita
ng aklat ng hulang ito, ay aalisin ng Dios ang kaniyang bahagi sa punong kahoy
ng buhay, at sa bayang banal, na nangakasulat sa aklat na ito.
Ang sumasaksi sa mga bagay na ito ay nagsasabi, Oo: ako'y
madaling pumaparito. Siya nawa: pumarito ka Panginoong Jesus.
Ang biyaya ng Panginoong Jesus ay mapasa mga
banal nawa. Siya nawa.
Truth or Fiction by Alvin Labios
Comments
Post a Comment